Tinanggap na ni dating Pangulong Fidel Ramos nitong Sabado ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging special envoy ng Pilipinas sa China. "Kaya natin ito!," saad ni Ramos sa mga mamamahayag matapos kumpirmahin na tinanggap na niya ang naturang posisyon matapos ang dalawang oras nilang pagpupulong ni Duterte sa Marco Polo Hotel sa Davao City.
Ayon sa dating lider, tinanggap niya ang posisyon matapos makakuha ng "clearance" sa kaniyang mga duktor at asawang si Amelita "Ming" Ramos. Nasa nasabing pagpupulong din si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, na naging spokesperson at Presidential Assistant for Mindanao noong panahon ng panunungkulan ni Ramos. Matatandaan na inalok ni Duterte kay Ramos ang naturang posisyon para na makikipag-usap sa China sa ginanap na testimonial dinner sa San Juan City noong Hulyo 14. Gayunman, tumanggi muna si Ramos magbigay ng mga detalye tungkol sa magiging trabaho niya bilang special envoy to China. Si Duterte o ang Gabinete na umano ang magbibigay ng anunsyo tungkol dito, ayon kay Ramos.
Idinagdag ng dating pangulo na nilinaw niya kay Duterte ang posisyon ng gobyerno sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippines at South China Sea. Magpupulong din umano ang National Security Council (NSC) at mga pangunahing opisyal ng Kongreso, kasama ang security cluster ng Gabinete sa July 27. Sinabi ni Ramos na magbibigay ng mga mungkahi ang NSC sa magiging "action plan" ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa China.
source: gmanetworknews.comVisit and follow our website: Usapang Pinas
No comments